Idinepensa ng Malacañang nitong Lunes ang nag-viral na “simpleng” handa sa ika-76 na kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kasamang lechon.

Sa panayam ng GMA News “Unang Balita,” tinawag ni presidential spokesperson Harry Roque na utak talangka ang mga pumupuna sa naturang handa, kabilang si Bayan Muna party-list Representative Ferdinand Gaite.

“Tingin ko naman utak talangka lang po ‘yan. Birthday naman po ng Presidente, 76th, ang importante hindi po magarbo ang selebrasyon,” ani Roque.

Idinagdag ni Roque na kailanman ay hindi raw itinuring ni Duterte na kabilang siya sa mga mahihirap at nagugutom.

Bago lumabas ang larawan sa social media na makikita ang lechon, unang nag-post ng larawan si Senador Bong Go na walang ibang makikita kung hindi si Duterte habang nagbo-blow ng kandilang nakatusok sa kanin.

Hindi nagtagal, lumabas ang video na makikita ang mga handang pagkain na kasama ang lechon.

Inalis ang video kinalaunan.

“Acting poor for your birthday photo ops when you’re not really poor is just mocking those who truly have nothing to put on their tables for their own birthdays,” saad ni Gaite sa Twitter.  —FRJ, GMA News